Showing posts with label Litratong Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Litratong Pinoy. Show all posts

Friday, November 7, 2008

LP 32: Maalaala mo Kaya

Ang litratong ito ay kuha noong dekada 70. Ang sanggol na nasa litrato ay ang aking mahal na asawa nung siya ay bininyagan. Uso noong panahong iyon ang mga maiikling damit/palda. Ang mga pantalong makipot sa binti at biglang luluwag sa laylayan - walis ang turing ko sa mga pantalong ito dahil sa paglakad mo'y animong malilinis ang sahig. At ang mga buhok na sobrang titigas na maski ano'ng galaw mo'y hindi magugulo! Ang kwento ng aking ina, beer daw ang inilalagay nila noon dahil hindi pa uso ang ispreynet. Parang ayoko yatang tumabi sa kanila kung ganoon. Mga amoy-lasing siguro sila, hehehe.


Friday, October 24, 2008

LP 30: Liwanag


Ang litratong ito ay kuha ko noong Nobyembre 1999 sa Flagstaff, Arizona. Panahon ito ng taglagas kaya halos ubos na ang dahon sa puno. Lubha akong nabighani sa ganda ng pagsikat ng araw kaya kagyat kong kinuha ang mano-mano kong camera. Isa ito sa paborito kong kuha.

Tinitingnan ko ang litratong ito tuwing nakakaranas ako ng pagsubok sa buhay. Kung susuriing mabuti ang litrato, para itong nangungusap at nagbibigay pag-asa. Para bang sinasabi niya na huwag matakot dahil pagkatapos ng dilim ay liliwanag din. Patunay na ang kasunod ng gabi ay isang bagong umaga na puno ng pag-asa. Kahit na nalalagas ang mga dahon, tutubo at babalik muli sila sa panahon ng tagsibol.

Napakabuti talaga ng Diyos! Para bang kinakausap niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga likha.

Friday, October 3, 2008

Litratong Pinoy #27

Ito ang unang linggong lalahok ako sa "palaro" ng litratong pinoy. Ang tema ngayong linggong ito ay ang Kompyuter. Ito ang isang bagay na malapit sa aking puso dahil dito namin kinukuha ang ikinabubuhay namin. Dahil dito, nakarating ako sa Amerika upang maghanapbuhay.

Tunay na sa panahon natin ngayon, nakalulungkot isipin na hindi kumpleto ang ating mga araw kung hindi natin nagagamit ang ating mga kompyuter. Lubhang naging alipin na tayo ng makabagong teknolohiyang ito.